1

Alamat ng Buwaya

Pagtatanim at pagbebenta ng gulay ang kinabubuhay ng magasawang Waldo at Busyang na parehong masipag at mabait.kung paguugsli ang paguusapan ay walang maiipipintas sa magasawang ito,maliban na lamang sa pisikal na anyo,napakapangit kase ng babae at napakapandak naman ng lalake.Gayunpamana,ang kapintasang iyon ay hindi nakikita ng mga tao dahil sa kagandahag loob na ipina mamalas ng mag-asawa.Bilang ganti
ng langit sa mga kabutihan nina Waldo at Busyang,sila ay pinagkalooban ng isang anak na pagkaganda-ganda.Tibig ng ligaya ang puso ng
mag-asawa sa pag kakaroon ng maipagmamalaking anak.Nakiisa naman sa kanilang kagalakan ang mga kapitbahay.Mrami ang nagpasalamat
dahil hindi naging kamukha ng sanggol ang kanyang ama at ina.Palibhasa kaaya-ayang pagmasdan ang magandang mukha ng anak nila na
pinangalanan na Aya.Di kalaunan,habang lumalaki ang bata,napapansin nilang ito nagiging salbahe,napakasinungaling at maramot.Dahil sa ugali
ni Aya na hindi maganda,sya ngayon ay kinaiinisan ng mga taong dati ay sa kanya pumupuri.Sa pagdadalaga ni Aya ay lalo itong naging
mapagmataas, utos at bilin ng magulang ay hindi nito pinakikinggan,sa halip kung ano ang pinagbabawal at masamaay sya nitong ginagawa. Anak,
iwasan mo si Don Segundo,baka ikaw ay mapahamak,pagpapaalaala ng nangangambang ina. Tse,anong pakialam nyo?Bakit maibibigay ba ninyo
ang naibibigay sa akin ni Don Segundo?,sagot ni Aya.Upang huwag nang lumaki ang gulo ay tumahimik na lang si Busyang,nagpatuloy naman sa
pakikipagtagpo sa mayamang Don Segundo ang ambisyosang anak.Hanggang isang araw,natuklasan nila na nagdadalantao si Aya,sa pagkakataong
ito ay nagawa pa ring magtimpi ng ama,hindi sinumbatan ang dalagang nagkamali.Masakit para sa isang ina ang sinapit ng kanyang anak ngunit
masaya sa kaloobang tinanggap iyon ni Busyang.Baka sakaling magbago si Aya kung ito ay isa na ring ina.Dtapwat mali sila ng akala,sapagkat ang
anak ay hindi nagbago,nangyari pa nagmistulang itong reyna kung utusan ang ama at ina.madalas ang anak pa ang nagagalit kapag ang pagkaing
maibigan ay hindi agad maibigay.Isang araw,kararating pa lang ng mag-asawa mula sa psgtitinda ng gulay,galing sa kuwarto ay lumabas si Aya at
hiningi ang ipinagbiling prutas,humingi ng paumanhin ang inang makakalimutin subalit nagsiklab sa galilt ang anak na sutil at Puwee!,pangit na
nga kayo ay mangmang pa!walang silbi,bumalik ka sa bayan ngayon din!,bulyaw nito sa ina,kagyat nasumagot ang amang nangingitngit,ngunit sya
man ay pinagwikaan din ni Aya.Ang kasamaan ng anak ay kaya pa nilang pagtiisan ngunit ang paglalait at paghamak sa kanila bilang magulang ay
hindi na nya mapalampas,labis-labis na ang ginawa nilang pagbibigay,hindi naman sila nagkulang ng pangaral at pagtuturo kay Aya subalit bakit
lumaki itong matigas ang ulo?Sa sama ng loob ng ama,ang irog na anak ay kanyang naitulak,sa pagkakatumba ni Aya,nanlilisik pa ang mga
matang tumingin sa ama. Paaptayin ko kayo! pagbabanta nito habang tumatayo. Kung kasamaan pa rin ang nasa iyong pagiisip,sanay huwag ka
nang makatayo. Ito ang nabigkas ni Waldo,mga katagang mula sa kanyang puso na punom-puno ng hinanakit.Dinig ng langit ang hiling ni Waldo
upang ang paghihirap nila ay mabigyan ng wakas.Ang parusang angkop sa suwail na anak ay iginawad,hindi na nga nakatindig si Aya at sa
inis nito ay gumapang patungong hagdanan. Lumayo kayo sa akin.wala akong magulang tulad ninyo!,lalayas na ako sa bahay na ito.Tandaan
ninyo,kapag nagkaroon ako ng pagkakataon,papatayin koo kayo! Pagapang na bumaba ng hagdanan ang anak,sa pagsayad ng mga kamay
nito sa lupa ay unti-unti itong nagbago,Nagkataon namang may mga nagdaraan at kltang-kita nila ang nagaqanap na nagdadalan-taong si Aya,
parang itinulos sa pagkakatayo ang mag-asawa at di malaman ang gagawin. Diyos ko,ano po itong nangyayari sa aming anak? Napasigaw ang mga
naguusyoso ng Dambuhalang bayawak!Subalit sa kabangisang ipinakita nito ng sakmalin ang nakataling kambing ay napagtanto nilang hindi bayawak
kundi mabangis na hayop.sa takot mamatay ay nagmadaling tumakas si Aya,mula noon buwaya na ang tawag sa ito,ang galit ng unang buwaya sa
kanyang mga magulang at sa tao ay nagpasalin-salin sa lahat ng buwaya hanggang sa kasalukuyan na panahon.

Read more...

0

Alamat ng Ampalaya

Noong araw, sa bayan ng sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay.
Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis,si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay,si Sibuyas na may manipis na balat, at si patolan na may gaspang na kaakit-akit. Subalit may isan gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, sya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.

Araw araw, walang ginawa si Amplaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak sya ng masama sa kapwa nyang mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyan isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag, nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan at kanilang sinundan ang gulay na may gandang kakaiba at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa isa ang mga katangian na kanilang taglay, at laking gulat nila ng tumambad sa kanila si Ampalaya. Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, sinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito, nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha ni Ampalaya ay kanyang ibinalik dito at laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat nya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan,maging ang mga ibat ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang dinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim. Mula noon magpahanggang ngayon ang luntiang gulay na si Ampalaya ay hindi pa rin magustuhan dahil sa pait niyang lasa.

Read more...

0

Alamat ng Antipolo


Noong panahon ng mga Kastila, karamihan sa mga magsasaka sa kapatagan ay umaakyat ng bundok dahil sa takot sa mga dayuhan. Sa kagubatan sila namamalagi upang makaiwas sa mga kaguluhang nagaganap sa bayan.

Akala ng mga Kastila ay natayo ng grupo ng mga maghihimagsik ang mga magsasaka. Lalo silang nagalit kaya pinag-isipan kung paano makagaganti.

Marami ang mga Pilipinong pinagbintangan nila gayong inosente ang mga ito sa kanilang ibinibintang. Hinuli nila at ipinilit ang mga ito dahil umano sa pagsapi sa himagsikan.

Nabalitaan ng mga magsasakang naninirahan sa bundok ang tungkol sa paglusob ng mga gwardiya-sibil sa kanilang lugar. Nangatakot sila.

Araw at gabi ay panay ang dasal ng mga kababaihan upang maligtas sila sa nakaambang panganib.

Isang araw ay nagpasya ang mga Kastila na umakyat na sa bundok. Laking gulat nila nang makita ang lahat, babae man o lalaki, bata man o matanda, na nakaluhod at nagdarasal.immaculate

Palibhasa ay taimtim sa pagdarasal ang mga tao kaya dininig ang kanilang panawagan. Biglang nagningning ang malaking puno ng Tipolo at lumitaw ang imahe ng Mahal na Birheng Concepcion sa itaas nito.

Dahil relihiyoso rin ang malulupit na mga Kastila, nahintakutan sila sa nasaksihan. Nagsisi sila sa mismong oras na iyon.

Marami ang nakakita sa pagmimilagro ng Mahal na Birhen. Nagpasalamat sila sa saklolong ibinigay nito. Ang masamang balak ng mga Kastila ay hindi na natuloy. Sa halip ay iginalang nila ang pook na iyon.

Masaya nilang ipinamalita sa kapwa-Kastila ang nasaksihang milagro.

"Saang lugar iyon? Pupunta rin kami!" usisa ng mga relihiyosong Kastila.

"Sa itaas ng bundok. Sa puno ng Tipolo," sagot nila. "Ipagtanong na lang ninyo at tiyak na ituturo nila sa inyo."

Paulit-ulit na nagtanong sa mga tao ang mga Kastila. "Saan ang Tipolo?"

Buhat noon ay tinawag ng Antipolo ang lugar. Nakagawian na rin ng mga dayuhan, mayaman man o mahirap, na bisitahin ang pook na iyon lalo at panahon ng Mayo.

Read more...

0

Alamat ng Ilang-Ilang


Sa isang malayong lugar, may mag-asawang matagal nang hindi magkaanak sa kabila ng kasaganaan nila sa buhay.

Abot ang dasal nila kay Bathala na sana’y pagkalooban nga sila ng anak.

Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang isang anghel sa kanya at nagwika, "Huwag kang matakot. Isinugo ako ni Bathala upang maghatid ng magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na babae na napakaganda. Tawagin ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari iyon, mawawala sa inyo ang inyong anak," pahabol ng anghel.

Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa kaniya.
Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng mga lalaki kaya’t kinulong nila sa isang silid ang anak.

Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang umiiyak araw at gabi. Gabi-gabi ay nananalangin siya.

Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw, biglang nabuksan ang bintana sa silid ni Ilang at siya’y tuwang-tuwang nakalabas. Nagmasid sa magandang hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang anu-ano’y, biglang may nakakita sa kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at hinawakan ang kaniyang palad.

Huli na nang dumating ang kanyang ina. Si Ilang ay unti-unting naglaho. Walang nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing, "Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?" Isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa lugar ng kinalubugan ni Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang halamang ito ay pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.
Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.

Read more...

0

Alamat ng Cainta


Ang Cainta ay isang bayan sa lalawigan ng Rizal. Noong unang panahon, may isang babae na kilalang-kilala ditto dahil sa magaganda niyang katangian. Mayaman, maganda, mabait at matulungin. Ang pangalan niya’y Jacinta.

Ugali na niya ang tumulong sa kapwa. Nililimusan niya ang bawat pulubing lumalapit sa kaniya. Iniimbitahan pa nya ang mga ito upang kumain sa kanila. Mahilig din siyang makipaglaro sa mga mahihirap na bata. Ano mang laruan na magustuhan ng mga ito na hindi rin makasasama sa mga bata ay kanyang ipinagkakaloob sa mga ito. Hanggang sa kanyang pagdadalaga ay dala pa rin ni Jacinta ang magagandang katangiang ito.

Si Jacinta ay madasalin. At kung araw ng lingo siya ay nasa simbahan. Nagpapamigay din siya ng mga regalo sa mahihirap pagkatapos ng misa. Dahil sa kanyang kabaitan, biniyayaan siya ng Diyos ng magandang kapalaran sa pag-ibig. Naging kasintahan niya ang kanyang kababata na isa ring mabuting tao.

Mabait at maunawain din ang kanyang nobyo. Sa kasamaang palad ay nagkasakit ang lalaki at namatay.

Mula noon ay wala ng pag-ibig na nagpatibok sa puso ni Jacinta kaya siya ay naging isang matandang dalaga. Nang mamatay ang kanyang mga magulang, ginugol na lamang niya ang kanyang panahon sa pagtulong sa kapwa at sa mga nangangailangan.

Napamahal nang husto si Jacinta sa mga kanayon niya. Bilang pangalan ay tinawag siya ng mga ito sa pangalang Ka Inta na ang kahulugan ay “kaligtasan ng mga nangangailangan”.

Naging kaugalian na ng mga tao na dumalaw sa kanya tuwing Pasko.

Isang araw ng Pasko ay laking pagtataka ng mga tao na walang sumasagot sa kanilang pagkatok. Sumilip sila sa bintana at nagulat sila ng makita nilang nakahandusay sa sahig si Ka Inta at wala ng buhay. Nalungkot at nagluksa ang mga tao sa paglisan ng isang mabuting tao na si Ka Inta.

Ang kamatayan ni Ka Inta ay kumalat na parang apoy at ipinagdasal ng mga tao ang katahimikan ng kanyang kaluluwa. Bilang paggalang sa kadakilaan ni Jacinta, ang kanilang lugar ay tinawag nilang Kainta na ngayo’y tinawag na Cainta.

Read more...

0

Alamat ng Binangonan


Ang bayan ng Binangonan ay nasa silangang dako ng Laguna de Bay. Ang dagat na ito ay nasa pagitan ng lalawigan ng Rizal at Laguna.

Noong unang panahon, ang mga nakatira sa bayan ng Binangonan ay magkakamag-anak, sila ay madasalin, nagdadamayan sa lahat ng oras, sa kahirapan man o kalungkutan.

Lahat ng ito ay nawalang saysay dahil sa isang malakas na bagyo na dumating sa bayan nila.

Marami ang mga nasaktan, napinsala ang mga kabuhayan dahil sa bagyo. Marami rin ang ipinadpad doon ng malalaking alon. Isa na rito ang isang lalaki na inakala nilang patay na dahil hindi ito humihinga.

“Sa ayos ng kanyang suot, hindi siya mangingisda, tulungan natin siya”. Wika ng alkalde ng bayan.

Pinulsuhan ng isang albolaryo ang lalaki. Minasahe niya ito at diniinan sa dibdib para mailabas nito ang nainom na tubig hanggang sa huminga ito at ng magkamalay nagpumilit bumangon ang lalaki.

Ang balita ay mabilis kumalat sa nayon at sa mga karatig na pook na may patay na bumangon.

Magmula noon, ang baybay-dagat ay tinawag nilang binangunan ng patay.

Ayaw magsalita ng lalaki kaya inakala ng mga tao doon siya ay pipi. Mabait at masipag ito kaya siya ay pinagkatiwalaan ng alkalde. Maging ang dalagang anak ng alkalde ay napalapit din sa kanya.

Bina ang pangalan ng dalagang anak ng alkalde. Si Bina ang nakatuklas na nakapagsasalita ang binata. Siya si Agustin at pinag-aaral siya ng isang pari sa Maynila. Napagbintangan siyang nagnakaw kaya siya ay lumayas at sa Pateros siya nanuluyan.

“Namangka ako para pawiin ang aking sama ng loob. Noon lang ako namangkang mag-isa. Inabutan ako ng malakas na hangin at inanod ako sa malayo ng lumaki ang mga alon. Lumubog ang aking sinasakyang Bangka, kumapit ako pero nawalan ako ng malay.” Malungkot na kwento ng binata.

“Kawawa ka naman.” Sambit ng dalaga. At doo’y naging magkaibigan ang dalawa.

Isang gabi, nagpasya ang dalawa na magtanan. Sa kabilugan ng buwan, dahan-dahan silang nanaog at pumunta sa tabing dagat, ngunit nakasalubong nila ang alkalde na nagpapahangin sa may dalampasigan.

Nahulaan ng alkalde na magtatanan ang dalawa kaya sag alit ng alkalde ay naging marahas ito kay Agustin hanggang sa mapatay ito.

Nabigla rin ang alkalde sa bilis ng pangyayari kaya’t tumakas ito at iniwan ang anak na umiiyak habang kalong ang binata. Sa sama ng loob ay nagdilim ang isip ni Bina, siya ay nagpakamatay sa tabi ng kanyang minamahal na lalaki.

Kinabukasan, natagpuan ng mga tagaroon ang dalawang bangkay sa mismong lugar na binangunan noon ni Agustin. Doon rin nila inilibing ang dalawa. At magmula noon, ang pook na iyon ay tinawag nilang Binangonan.

Read more...

0

Alamat ng Olongapo


Noong araw ay may isang binatang mag-isang namumuhay sa malawak niyang bukirin. Marami ang tumutulong sa kanya gaya rin ng pagtulong niya sa kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinatawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.

Hindi kalayuan sa lupain ni Dodong ay may nakatirang isang dalagang mayumi at maganda. Mahaba at mabango ang kanyang buhok. Marami ang nabibighani sa kagandahan ni Perla. Matagal na silang magkakilala ngunit walang puwang sa puso ng binata si Perla dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.

Lumipat ng tirahan sina Perla at ang kanyang mga magulang. Hindi rin sila nagkikita ni Dodong.

Isang hapon, hindi sinasadyang nakasalubong sina Dodong at Perla. Noon lang napansin ng lalaki ang iwing ganda ng babae. Binati ni Dodong si Perla at inalok na ihatid ang dalaga. Pinaunlakan naman siya ni Perla.

"Tatang, narito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang," ang masayang bungad ni Perla pagsapit sa kanila.

"Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin," ang masayang bati ng ama ni Perla.

"Kumusta po kayo? Nahihiya po ako at hindi na ako nakatulong sa bayanihan dito sa inyo," magalang na tugon ni Dudong.

"Naku, eh, huwag mong alalahanin iyon. Alam kong solo kang namumuhay at iniuukol mo sa bukid ang iyong panahon. Pasabihan mo na lang kami kung kailangan mo naman ng tulong sa iyong bukid," ang amuki ng tatang ni Perla.

"Marami pong salamat. Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako para makatulong din ako sa inyo," tugon ng binata.

Simula noon ay madalas nang nagkikita sina Dodong at Perla. Naging daan iyon upang magkalapit ang kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ng dalaga dahil gusto nila si Dodong para sa anak.

Minsan, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay-dagat. Lulan nito ay mga lasing na Kastila. Nakita nila si Perla. Tinanong nila ang dalaga. Hindi naintindihan ni Perla ang salita ng lasing ng Kastila kaya ngumiti na lang siya. Akala ng Kastila ay pumayag si Perla sa gusto nito kaya niyapos at hinalikan ang dalaga. Sumigaw si Perla at humingi ng saklolo.

May mga tumawag kay Apo at ibinalita ang pambabastos kay Perla. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang nilabanan ang mga ito. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong. Upang huwag pamarisan ay pinutulan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang ulo nito sa isang tulos ng kawayan.

"Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!" ang sigawan ng mga bata.
Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang "Ulo ng Apo," naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag nilang Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng Zambales.

Read more...

0

Alamat ng Gapan


Noong unang panahon ay may isang batang napakatigas ng ulo. Hindi siya sumusunod sa utos at payo ng kanyang mga magulang. Sa halip ay ang mga ipinagbabawal ng ina ang kanyang ginagawa. Ang pangalang niya ay Gardo.

Isang araw, pinagsaing si Gardo ng ina. Pagkaluto ay agad siyang umalis at nakipaglaro. Nagpunta sa bakuran. Lumakad siya nang lumakad ngunit di makarating sa kanyang pupuntahan.

Gusto niyang umuwi na ngunit di niya matutuhan ang daan pauwi. Sa pagod, nakatulog siya sa lilim ng punong mangga.

Samantala, ang nanay niya ay di mapakali sa kahahanap kay Gardo. Tinulungan pa siyang kaniyang kapitbahay upang hanapin ang andk niyangsi Gardo.

Sabi ng isangkapit-bahay, "Paarang nakita ko ang anak ninyo sa kabilang ibayo. Paikot-ikot siya sa dalawang puno na para bang pinaglalaruan ng tiyanak."

"Kung hindi n’yo sa makita, kumuha kayo ng bilao, ipukpok ninyo sa puno ng hagdan at tawagin nang malakas ang kaniyang pangalan," ang payo naman ng isang magsasaka. Sinunod ng ina ni Gardo ang payo ngunit wala ring nangyari.

Samantala, si Gardo naman ay nagising sa malakas na iyak ng isang bata, hubad ito at malaki ang tiyan. Nakahiga ito sa dahon ng saging. Kinalong niya ito, ipinaghele ngunit iyak pa rin ng iyak. Nagalit na si Gardo at akma ng hahambalusinnang biglang magbago ang anyo ng sanggol. Nagmukha itong matanda, mahaba ang balbas at buhok, at mukhang di naliligo. Ibinagsak ni Gardo ang matanda. Takbo siya ng takbo ngunit sa kawayanan lang pala siya tumatakbo.

Madilim na noon at siya’y pagod na pagod na. Nadapa siay ngunit kahit hirap na ay pilit pa ring gumapang.

Ang ina naman nya ay umuwi na. Nagukat siya ng datnan niya si Gardo na gumagapang sa matinding pagod. Gapang siya ng gapang dahil pinaglalaruan siya ng tiyanak.

"Iyan ang napapala ng batang salbahe at matigas ang ulo," sabi ng marami.
Magmula noon ay naging bukambibig na ng tao ang "Baka matulad ka kay Gardo, gapang nang gapang." Buhat noon ang pook na kinapapaligiran ng kawayan na kinakitaan kay Gardo na gumagapang ay tinawag na Gapan, ang isang bayan sa katimugang bahagi ng Nueva Ecija, na ngayon ay isa ng lungsod.

Read more...

0

Alamat ng Panay


Noong unang panahon,isang binata ang nanirahan sa isang malaking pulo. Nabubuhay siya sa mga sariwang gulay at prutas. Taga ilog ang tawag sa kanya.

Minsan, isang matandang lalaki ang gustong makituloy sa bahay niya. Napangiti ang binata dahil magkakaroon na siya ng makakasama. May pagkakataong rin siyang makapaglingkodsa kapwa.

Pinagsilbihanniyang mabuti ang matanda na labis na humanga sa kanya.

"Salamat. Napakabait mo." anang matanda. "Siyanga pala, napansin kong maraming ibon at isda sa lugar na ito. Manghuli tayo para masarap ang ulam natin mamaya."

"Naku, huwag po. Sila po ang mga kaibigan ko rito," magalang na tanggol ng binata.

"Totoo palang napakabait mo," usal ng matanda.

Nalaman din ng matandana bigay ng mga tagabukid ang nga damit ng binata dahil tinutulungan niya sa pagtatanim at pag-aani ang mga ito. Lalong tumibayang paghanga na matanda sa kanya.

Marami namang natutunan ang binata sa mga pangaral ng matanda,tulad ng "Kung ano ang iyong itinanimay siya nomg aanihin," "Tulad sa halaman, ganyan din ang sa tao. Ang iyong kabaitan at kabutihanay gagantimpalaandin sa ibang araw. "Huwag tayong aasa na ang ating inilibing ay makikipaglibing din sa atin." "Huwag tayong dudura sa langit sapagkat laway din di sa iyo ay sasapit."

Mula noon ay naging malikhain ang binata. Dahil mabait at magiliwin sa mga nilalang ng Diyos, ang binata ay tinawag na Irog.

Napakinabangan ni Irog ang lahat ng tinuro ng natanda. Nagawa niyang panali ang mga baging. Nakagawa din siya ng isang bahay-kubo sa gitna ng ilog. Nagawa rin niyang higaan ang bunton ng mga water lily.

Isang gabi ay mahimbing ang tulog ni Irog. Hindi niya namalayang unti-unting umuusadang kubo na parang itinulak ng mga isda. Nakapaligid naman sa kanya ang nga ibon na nag-aawitan.

Mataas na ang araw nang magising siya kinabukasan. May mga gulay at mga prutas nang nakahain na dulot ng mga ibon. Malayo na ang kanyang narating. Napadpad siya sa isang napakagandang batis. Ang batis ay kaakit-akit na tila isang paraiso.

Isang umaga, may nakitang isang grupo ng mga dilag si Irog. May pakpak ang mga ito. Kasalukuyang naliligo sa batis ang mga dilag. Naakit siyang damputin ang isang pares ng mga pakpak na nakalapag sa batuhan.

Matapos maligo ang mga dilag ay malungkot na naiwan ang isa. Wala kasi itong maisuot na pakpak. Hindi ito makalilipad. Iyak nang iyak ang dilag dahil iniwan na ito ng mga kasamahan. Nagulat ito nang makita si Irog.

"Patawad po sa aking karahasan. Natuwa po ako sa mga pakpak ninyo kaya hiniram ko ng walang paalam," hinging paumanhin ng binata. "Ako nga pala si Irog. Ulila na ako at walang kasama sa buhay. Kung mamarapatin mong mahalin kita ay pagsisilbihan kita habang buhay."

Hindi na nag-isip ng matagal ang dilag. Pumayag agad ito sa kanyang pagsamo. Tinawag itong Giliw ni Irog.

"Sige, mamahalin kita sa isang kondisyon. Huwag kang mag-uuwi ng mga hayop na mabilis lumipad. Kapag ginawa mo iyon ay mawawala ako sa iyong buhay."

Tuwang-tuwa naman si Irog dahil mapagmahal din ang dilag sa mga hayop. Nagkasundo sila ni Giliw at tuluyan nang nagsama.

Biniyayaan sila ng dalawang anak makaraan ang ilang taon. Pinangalanan nila ang mga ito ng Tagumpay at Ligaya. Si Ligaya ay lumaking mabait at masunurin sa mga magulang. Si Tagumpay naman ay masipag at mabait din.

Minsan ay masaya silang nag-uusap nang magtanong si Ligaya. "Bakit kaya bihirang magsalita si Inay? Hindi naman siya pipi. Matalino naman siya at maraming alam."

Sumagot si Irog. "Huwag kang magtaka, anak. Lagi ninyong tatandaan na kapag ang dagat ay mababaw, ito ay maingay. Subalit kapag ang dagat ay malalim, ito ay tahimik.

Maraming iniaral si Irog sa mga anak. "Makinig kayo sa payo ng mga nakatatanda at lagi ninyo iyong tandaan. Ang maganda ay pulutin ninyo. Itapon naman ninyo ang masamang gawain lalo na kung makasasakit ng damdamin ng inyong kapwa."

Minsan ay nagpahinga si Tagumpay sa lilim ng isang puno. Nagulat siya ng may ibong dumapo sa balikat niya. Palibhasa ay magiliwin sa mga hayop kaya hinuli ni Tagumpay ang ibon at iniuwi sa kanilang bahay. Tuwang-tuwa naman si Ligaya dahil sa iba-ibang kulay ng ibon. Agad nila itong ipinakita sa ina.

"Nakaganda niya, hindi ba, inay?" ang natutuwang sabi ni Tagumpay.

Napaluha si Giliw. "Oo, iyan si Panay, ang aming panginoon." At mabilis na nagtungo sa silid ang babae. Dagli nitong isinuot ang mga pakpak at dagli ring lumipad palayo.

Malungkot na ibinalita ng magkapatid ang paglisan ng kanilang ina. Mula noon ay naging malungkutin na si Irog. Palagi siyang nagpupunta sa batis. Nagbabakasakali siyang bumalik si Giliw.

Ang batis na ito ang pinagmulan ng isang magandang kasaysayan ng pag-ibig. Dito nagmula ang pangalang Panay. Ngayon, ang Panay ay isang malaking pulo sa Kabisayaan.

Read more...

0

Alamat ng Buwan at mga Bituin


Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa alamat na ito ang mga sagot.

Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda.

Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

"Maria, magbayo ka ng palay," ang wika ng ina.

"Opo," ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.

"Maria, magmadali ka," ang tawag na muli ng matanda. "Wala tayong bigas na isasaing."

"Opo, sandali po lamang," ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.

"Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka," ang galit na galit na utos ng matanda.

Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay.

Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.

"Napupuno ng pawis ang aking kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.

"Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.

"Kay ganda ng aking suklay at kuwintas," ang wika ni Maria sa kanyang sarili.

"Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas."

Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.

Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.

Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas.

Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.

"Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay," ang wika ni Maria sa kanyang sarali, "At anong kinamg ng mga butil ng aking kwintas!”

Read more...

 
Copyright © Pinoy Alamat

The "Urban Elements" theme by: Press75.com

Converted into Blogger by Intro Blogger